Verification at assessment ng DFA sa insidente sa Ayungin Shoal, nagpapatuloy pa
Aminado ang Department of Foreign Affairs (DFA) na may pagkakataon na natatagalan ang diplomatic action sa isang insidente tulad ng may kaugnayan sa mga pangyayari sa South China Sea.
Ayon kay DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza, may sinusunod na proseso ang DFA bago nito aksyunan ang mga isyu gaya ng insidente sa Ayungin Shoal sa pagitan ng mga Pilipinong mangingisda at China Coast Guard.
Paliwanag ni Daza, kailangan muna na beripikahin at i-assess ng kagawaran ang mga natatanggap nilang official reports ng hindi lang isa kundi maraming ahensya ng pamahalaan.
Iginiit ng opisyal na committed ang DFA sa pagbabantay sa mga karagatan ng bansa at ang isyu sa South China Sea.
Kaugnay nito, sinabi ni Daza na nagpapatuloy pa ang verification at assessment ng DFA sa napaulat na pagpapaalis ng China Coast Guard sa ilang Pinoy fishermen sa bahagi ng Ayungin Shoal
Tiniyak ng opisyal na agad nila itong aaksyunan sa pamamagitan ng note verbale o diplomatic protest batay sa verification at assessment.
Ngayong Enero aniya ay may apat ng note verbale na naipadala ang DFA sa Tsina
Pero mula nang mag-umpisa ang Marcos Government ay umaabot na sa 68 ang note verbale ang naisumite ng kagawaran sa China at halos 200 noong 2022.
Sinabi ni Daza na tumugon naman ang Tsina sa ilan sa note verbale ng Pilipinas.
Inihayag pa ng opisyal na patuloy din na tinatalakay ang mga isyu tulad ng Ayungin Shoal incident sa lahat ng umiiral na diplomatic channels.
Ang mahalaga din aniya ay nagpapatuloy ang pag-uusap at may linya ng komunikasyon ang dalawang panig sa mga katulad na maritime issues.
Moira Encina