Vice President Leni Robredo at Senate Minority Leader Franklin Drilon, inakusahan ng Malacañang na pinupulitika ang pagbili ng COVID-19 vaccine
Nakiusap ang Malakanyang kina Vice President Leni Robredo at Senate Minority Leader Senador Franklin Drilon na huwag gamitin sa maagang pamomolitika ang isyu sa planong pagbili ng pamahalaan sa anti COVID 19 vaccine.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na malayo pa ang 2022 election kaya huwag munang mamulitika.
Ayon kay Roque kailangang magtulungan ang mga nasa gobyerno mapa-administrasyon o mapa-oposisyon ngayong hinahanapan ng solusyon ang pandemya ng COVID 19 sa pamamagitan ng bakuna.
Ginawa ni Roque ang pahayag matapos sabihin ni Vice President Robredo na tila walang urgency ang Duterte administration sa pagbili ng bakuna samantalang pinupuna ni Senador Drilon na 2.5 bilyong piso lamang ang inilaan sa national budget para sa pagbili ng anti COVID 19 vaccine.
Inihayag ni Roque alam nina Robredo at Drilon kung papaano ang budget sourcing ng pamahalaan sa planong pagbili ng bakuna laban sa COVID 19.
Niliwanag ni Roque na ang kulang sa 72.5 bilyong pisong pondo para sa pagbili ng anti COVID 19 vaccine ay uutangin ng pamahalaan sa mga international at local financial institution na kinabibilangan ng Asian Development Bank, World Bank, Development Bank of the Philippines at Land Bank of the Philippinnes.
Vic Somintac