Video na na-lecturan ng kapwa senador si Padilla, nag-viral
Nag-viral ang isang video ng mga senador sa plenary session nito noong May 16.
Sa naturang video, tinatalakay ang panukalang ideklara ang unang araw ng Pebrero bilang National Day of Awareness o HIJAB day.
Pero nang maghahain na ng mosyon, tinuruan ni Senador JV Ejercito, tumatayong presiding officer, si Senador Robin Padilla ukol sa tamang parliamentary procedures at tamang paghahain ng mosyon.
“I hope Sen. Padilla, co-sponsor of the bill to accept the move first so that we can move to motion,” pahayag ni Sen. Ejercito.
“Opo, tinatanggap ko ang panukala,” tugon naman ni Padilla.
“No, make a motion that the body accept the amendments, the substitute bill, i-move nyo lang po,” pagtuturo pa ni Ejercito.
“Opo, I move, englishin ko na to, I move Ginoong Pangulo. Ginoong Pangulo, I move,” tugon muli ni Padilla.
Dahil dito, nagtawanan ang ilang senador kaya napilitan si Ejercito na suspindihin ang sesyon.
Pagbalik ng sesyon, may binabasa na si Padilla at hiniling na amyendahan ang kaniyang mosyon para sa substitute bill.
“Mula sa tagalog, english-in natin o move that we amend substitue all language or text,” mosyon ni Padilla.
Ilang netizen naman ang nadismaya sa insidente.
Ilan ang nagsabi na “frustrating” ang napanood na video, habang may mga nagsabi naman na dapat lahat ng kumakandidato sa legislative body gaya ng Senado ay may educational background sa law.
Muli namang naungkat sa Senado ang paggamit ng tamang parliamentary procedure at decorum sa Senado.
Sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, na isang paalala ang insidente na dapat lalo pang maging professional ang mga mambabatas.
“Concern yung decorum, dapat sinusunod ng husto. Last time si Sen. Loren reminded us of the sacredness of being in the session hall and ensuring that there is decorum,” paliwanag pa ni Villanueva.
“Even decorum, perhaps let’s start with ourselves. Even decorum in our chamber in the way we speak, in what we do, even in committee hearings,” bahagi ng pahayag ng paalala ni Sen. Loren Legarda.
Ipinagtanggol naman ni Ejercito si Padilla at iginiit na nag-a-aral naman ang baguhang senador at nagpa-participate sa lahat ng committee hearings.
Pero kailangan din aniyang mag-aral ang mga kapwa mambabatas ng tamang parliamentary terms sa wikang Pilipino.
“It is not that I am defending Senator Robin Padilla but I can see that he is studying and attend in our hearings. He is joining discussions to learn and participate.”
“He is using our own language in the deliberations, whether it is in the committee or the plenary,” pahayag ni Ejercito.
Depensa naman ni Senador Francis Tolentino na lahat ng tao ay nagkakamali gaano man katalino.
Wala raw siyang nakikitang masama sa ginawa ni Padilla na ginamit lang naman ang salitang Pilipino sa pakikipagtalastasan sa mga kapwa mambabatas at hindi naman ito ipinagbabawal sa rules ng Senado.
Meanne Corvera