Video ng umano’y anomalya sa pamamahagi ng SAP, inilabas na ng kampo ni Senador Pacquiao
Inilabas na ng kampo ni Senador Manny Pacquaio ang tinawag nitong teaser video ng umano’y nangyaring anomalya sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Nauna nang ibinunyag ni Pacquiao na nawawala umano ang mahigit 10.4 bilyong pisong pondo para sa ayuda na ipinamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa 8 minutong video na may titulong Hiwaga sa Ayuda, ang SAP funds ay sistematiko umanong nauwi sa katiwalian sa pamamagitan ng DSWD at e-wallet na Starpay.
Sa 1.8 million na benificiaries ng ayuda, sinasabing umabot lang sa 500,000 ang nakatanggap ng pondo.
Nauna nang sinabi ni Pacquiao na kuwestyonable kung paano nakuha ng naturang e-payment ang mahigit 50 billion na ayuda mula sa DSWD samantalang may negative records ang kanilang kumpanya.
Naghain na siya ng resolusyon para imbestigahan ito ng Senado.
Ilalantad niya aniya ang mga detalye nito pagbalik niya ng bansa.
Si Pacquaio ay kasalukuyang nasa Amerika para sa kaniyang laban kay Errol Spence.
Meanne Corvera