Videocon hearing sa petisyon para ipatigil ang COVID vaxx sa mga batang 5 to 11 y.o., itinakda sa Peb. 8
Nakatakdang dinggin sa Martes, Pebrero 8 ang petisyon na inihain ng dalawang magulang laban sa pagbabakuna sa mga batang may edad 5 hanggang 11 taong gulang ng anti- COVID-19 vaccines.
Sa notice of hearing na pirmado ni Quezon City Regional Trial Court Branch 96 Clerk of Court Rosemary Dela Cruz- Honrado, itinakda ng 2:00 ng hapon ng Martes ang videoconferencing hearing sa hirit na TRO ng mga petitioners.
Kaugnay nito, inatasan ng korte ang mga respondents na dumalo sa pagdinig.
Kabilang sa mga pinahaharap sina Health Secretary Francisco Duque III at Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Kinuwestiyon ng dalawang magulang sa pamamagitan ng Public Attorneys’ Office ang memorandum ng DOH ukol sa pediatric vaccination ng 5 to 11 year olds na mga bata.
Iginiit ng PAO na ipinagkakait ang parental authority sa nasabing DOH memo dahil may bahagi ito na lumilikha ng hindi tuwirang sapilitang pagbabakuna sa mga bata.
Moira Encina