Video Con hearings mula nang mag-lockdown, umabot na sa 161, 885
Kabuuang 161, 885 videoconferencing hearings ang naisagawa sa bansa mula nang mag-umpisa ang lockdown noong Marso ng nakaraang taon.
Sa datos ng Office of the Court Administrator, ito ay simula Marso 17-Disyembre 31, 2020.
Aminado si Chief Justice Diosdado Peralta na isa sa mga isyu sa pagdaraos ng virtual court hearings ay ang pagkakaroon ng malawak at stable na internet connection.
Aniya, ang problema sa internet accessibility ngayong may global health crisis ay hindi lamang nakaaapekto sa mga hukuman kundi sa iba pang mga pribado at pampublikong institusyon.
Gayunman, tiwala si Peralta na sa kabila ng mabagal at unreliable online connection lalo na sa mga liblib na lugar ay patuloy na mapagsisilbihan ng mga korte ang publiko.
Sa pinakahuling datos ng OCA noong June 12, 2020, aabot sa 867 korte ang mayroong video conferencing capabilities mula sa 1,376 hukuman na sumagot sa internet connectivity survey.
Nagkabisa naman noong Enero 16 ang pinagtibay na guidelines ng Korte Suprema sa pagsasagawa ng virtual hearings na nag-i-institutionalize sa video conferencing hearings bilang alternatibo sa in-court proceeding sa civil at criminal case ngayong Pandemya.
Moira Encina