Vintage bombs nahukay sa Bataan
Nakahukay ang mga operatiba ng Bataan Provincial Explosive and Canine Unit (PECU), ng 56 na vintage 75 millimeter high explosive bombs, sa Barangay Parang, bayan ng Bagac sa Bataan.
Ang vintage bombs ay nadiskubre ng mga magsasaka habang nagtatanim ng kamote.
Agad nila itong ipinagbigay alam sa mga kinauukulan, na siya namang tumawag sa PECU.
Samantala, 16 pang vintage bombs ang nadiskubre naman ng mga residente at isang barangay tanod sa Talipapa Bridge, o ilog na sakop ng Barangay Capitangan sa bayan ng Abucay.
Pansamantalang dinala ang mga narekober na bomba sa makeshift facility ng PECU para maingatan at para na rin sa proper disposition.
Maraming beses nang nakarekober ng vintage bombs ang Bataan PECU sa iba’t-ibang lugar sa lalawigan, na pinaniniwalaang mga bomba na ibinaon noon pang panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig.
Paalala ng Bataan PECU sa mga Bataeños, agad makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya kung may madiskubre silang vintage bomb sa kanilang lugar.
Josie Martinez