Viral na lugawan, sarado na, grab rider, nakaranas ng harassment
Sarado na ang lugawan na binilhan ng grab rider na nag-viral matapos harangin ng mga tauhan ng barangay Muzon, San Jose del Monte, Bulacan.
Nakaranas umano ng trauma ang mga staff ng lugawan matapos ang sunud-sunod na mga pangyayari ng umanoy pagbabanta mula nang maganap ang nag-viral na insidente sa harap mismo ng kanilang tindahan.
Nakaranas naman ng harassment ang grab rider na si Marvin Ignacio mula sa dalawang kalalakihan na pilit na nagpapasara sa lugawan.
Sa panayam ng Radyo Agila kay Maryjane Resureccion, may-ari ng Lugaw Pilipinas nakaranas ng harassment ang kanilang staff noong gabi ng April 1 nang may magtungo sa lugawan na “dalawang malalaking lalake” at pilit umano silang ipinasasara.
Sa isang hiwalay na video, ikinuwento ni Marvin Ignacio ang pangyayari:
“Ang lalaki nila, wala naman silang kasamang pulis, hindi sila naka-mobil. Ipinasara nila. Dalawa sila tapos may kasamang lalake, Ipinakita yung papel na hindi siya official dahil, alam po yung pinicturan lang, parang ini-scan, I-prinint, yung tatlong page yun ang pinapakita niyang papel na may pirma daw ni Mayor.
“Natatakot po talaga ako kasi baka saktan po nila ako kasi ang tatapang po nila eh. Bakit naman po sila ganon?
“Dalawa lang sila. Kahina-hinala ang galaw nila, wala silang kasamang barangay tanod, wala silang mobil, naka motor lang talaga sila. Tapos ang gusto nila isara ang tindahan dahil meron daw silang memo na pinapakita na scanned lang”.
Hindi na rin napigilan ni Ignacio ang mapaluha habang sinasabing, “Hindi po kami makapag-hanapbuhay nang maayos kung lagi pong ganyan”.
Sinabi pa nito na, “Para po silang mananakit noong wala pang video. Pagdating ko, sinigaw-sigawan ako nung mataba na si Rudy daw. Siya daw si Rudy, idol na idol daw niya ako dahil muntik-muntikan na daw magpakamatay si Phez. Kasalanan ko pa ba yon? Ako ba ang may gawa non? Sila naman ang nagsimula non di ba? Ako nag-video lang ako para may ebidensiya kami, para mayroon kaming panlaban”.
Samantala, sinabi naman ni Resureccion sa Radyo Agila na ilang oras pa bago mangyari ang nag-viral na insidente ay may nagpunta na sa kanilang lugawan na mga tauhan ng barangay at pilit silang ipinasasara.
“Pangalawang balik na po yun eh, meron na po kasing unang pumunta, tatlo o dalawa yatang taga barangay na nakikipagtalo at ang tapang tapang talaga. Ang sabi ko sa kanila, kinausap ko pa, ayaw talagang makinig, medyo nagka-anuhan na kasi iba po talaga ang ginawa nila, at kung magtaboy po sila ng mga riders ay iba po. Para silang nagtataboy ng mga kriminal doon sa harap ng tindahan ko which is sumusunod naman sa health protocol na may social distancing, nakasara ang tindahan, ang mga tao ay naka-face mask. Ang ipinagtataka ko bakit ganoon ang, the way na magtaboy sila ng tao.”
Makalipas aniya ang isang oras ay bumalik ang mga ito kasama na ang barangay official na si Phez Raymundo at doon na nakuhanan ng video ang nag-viral na komprontasyon sa pagitan ng Grab rider na si Marvin Ignacio at Raymundo.
“Noong April 1 na yan, nagkaroon kami ng zoom meeting with DILG Usec. Dino, Kapitan, Marvin, at ako po ang huling nag-join”.
Nagpalabas na rin ng public apology si Phez Raymundo kaugnay ng pangyayari.
Sa kabila nito, “April 1 nagbukas kami hanggang gabi pero ipinasara na po kami (noong gabi),” ayon pa kay Resureccion.