Virgin Coconut Oil
Kilala na nga ang Virgin Coconut Oil o VCO … lalo pa itong naging popular dahil kasama sa isinagawang clinical trials para sa mga suspected at probable covid-19 patients.
Bagaman inaaral pang mabuti ng mga eksperto kung talaga ngang makatutulong ang vco sa mga covid patient.
Isa ang DOST-Food and Nutrition Research Institute o FNRI na inatasan upang pangunahan ang pag-aaral sa gagawing clinical trials para sa mga probable at suspected covid-19 patients na nasa Sta. Rosa quarantine facility at Sta. Rosa community hospital.
Ang FNRI ang maghahanda ng recipe para sa naturang mga pasyente kasama ang vco. Ang vco ay mula sa unang kakang gata ng niyog.
Nakukuha ang langis mula dito gamit ang isang makina.
Ang langis na ginagamit sa pagluluto ay dumaraan sa refining, bleaching at deodorizing.
Dumadaan din ang vco sa tinatawag na wet at dry processing technology.
Ayon sa Department of Science and Technology o DOST-Industrial Technology Department Institute o ITDI, para mapalabas ang langis mula sa kakang gata, padadaanin ito sa init.
Pinapatay ng init ang anumang mikrobyo kung meron man na humalo sa langis.
Bukod dito, tinatanggal din nito ang maasim na amoy ng kakang gata.
Upang masala at mapalinaw naman ang langis, ginagamitan ito ng teknolohiyang ang tawag ay pressure filter.
Sa pamamagitan ng pressure filter, tinatanggal naman ang naiwang tubig sa langis.
Ang pinakahuling proseso sa paggawa ng VCO ayon sa ITDI ay ang paggamit ng vaccum dryer upang lalong mapataas ang kalidad ng nasabing produkto.
Sa ngayon mahal na ang VCO, kaya, para makatipid tayo, maaari tayong gumawa ng home made Virgin Coconut Oil na hindi dadaan sa apoy at walang gagamiting makina. Iyan ang ituturo namin sa inyo kailangan lang natin ng isa hanggang dalawang niyog na kinayod na.
Narito ang paraan ng paggawa ng home made VCO na hindi kailangang dumaan sa apoy o init.
Una, pigaing mabuti ang niyog at kunin ang kakang gata.
Maaaring ilagay ang niyog na binasa ng kaunting tubig sa isang malinis na tela at pigain ito.
Kumuha ng malinis na sahuran sa napigang kakang gata.
Pagkatapos makuha ang kakang gata, ilipat sa isang malinis na lalagyan, maaring tub at takpan ito.
Ilagay sa loob ng refrigerator. Iwanan ito sa loob ng 24 oras. Kinaumagahan, kunin ang kakang gata. Makikita ang tubig at yung namuong kakang gata, tinatawag na krema … ito ang langis … ihiwalay ang namuong krema na sa tubig.
Palambutin ung krema nang hindi padadaanin sa init… ito na ang langis o Virgin Coconut Oil…
Presto! May Virgin Coconut Oil na po tayo. Maaaring isalin ang nakuhang VCO sa isang malinis na basyong bote.