Virtual jobs pinakamahusay na alternatibo para sa OFWs na nawalan ng trabaho – DOLE
Ang home and internet-based job ay kabilang sa pinakamahusay na alternatibong trabaho para sa mga OFW na nawalan ng trabaho at umuwi na ng Pilipinas.
Ito ang buod ng webinar na isinagawa kamakailan ng Department of Labor and Employment-Institute for Labor Studies (ILS) at ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Singapore para sa 80 overseas Filipino workers (OFWs).
“Virtual career allows one to work at the comfort of home, earn different currencies and serve different businesses,” pahayag ni webinar resource speaker Ann Kristine Peñaredondo, isang marketing strategist at published author.
Sinabi niya na ang virtual career ay lumilikha minsan ng maling kuro-kuro, pagdududa at takot sa dahilang ito ay bago at hindi pa lubusang nasusubukan ng karamihan.
Bagama’t ang virtual career ay hindi para sa lahat, sinabi ni Peñarondo na karamihan sa mga pumasok sa trabahong ito ay nagtatagumpay.
Ibinahagi ng dating OFW na sina Lyn Nafarette at Tina Lapina kung paano sila nagtagumpay nang sila ay lumipat sa virtual career, kung saan kumikita sila ng kaparehong halaga noong sila ay nagtatrabaho sa ibang bansa habang kapiling ang kanilang pamilya.
Idinagdag ni Peñarondo na maaaring magtatag ng kanilang virtual career ang mga writer, accountant, blogger, advertiser, bookkeeper, coders, software engineer, illustrator, videographer, at iba pang skilled professional kung kanilang nanaisin.
Binigyang-halaga ni Labor Attache Saul De Vries ang kahalagahan ng webinar sa panahon ng global pandemic, na naging dahilan kung saan libong OFW ang nawalan ng trabaho sa Singapore at iba pang bansa.
“Virtual careers are alternative options for those who lost their jobs due to COVID-19 as well as those who do not want to work away from their families,” ani De Vries.
Samantala, sinabi ni ILS Executive Director Ahmma Charisma Satumba na ang virtual career ay nagbibigay ng malawak na oportunidad para sa OFW at iba pang manggagawa dahil bukas, malawak at malalim ang merkado para sa virtual work.
Ang webinar, na may paksang “Pano maging OFW ng hindi lumalabas ng ‘Pinas?” (How to be OFW without leaving the Philippines?) na nag-live stream sa Facebook ay nagkaroon ng libong manonood.
POLO Singapore/ GSR/GMEA