Visayas at Mindanao, inalerto sa matinding ulan at bahang dala ng TD Auring
Inalerto ng Pag-Asa weather bureau ang Central at Eastern Visayas at Caraga region dahil sa mga pag-ulan at bahang maaaring idulot ng bagyong Auring.
Kasunod ito ng pagpasok sa Philippine Area of Responsibility ng kauna-unahang bagyo sa bansa ngayong taon.
Huli itong namataan sa 715 kilometers Silangan, Timog-Silangang bahagi ng Hinatuan, Surigao del Sur, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 55 kph.
Mabagal ang pagkilos nito pa-Kanluran sa bilis na 20 kph.
Posibleng sa susunod na 24 oras ay mag-intensify ang Tropical Depression Auring bilang isang Tropical storm.
Inaasahang magla-landfall ang bagyo sa Caraga region, madaling-araw ng Linggo at tatawid ito ng Visayas.
Pagsapit ng gabi ng Linggo hanggang Lunes, ay apektado ng bagyo ang Southern Luzon partikular ang Bicol region at Mimaropa at Calabarzon.
Sa Martes naman inaasahang nasa West Philippine sea na ang bagyo.