Voter Registration sa mga lugar na nasa GCQ, ipagpapatuloy sa Lunes, May 17
Simula bukas, May 17 ay ipagpapatuloy ng Comelec ang Voter Registration sa NCR Plus (Bulacan, Rizal, Laguna, Cavite) at ilan pang lugar na isinailalim sa General Community Quarantine (GCQ).
Ipagpapatuloy din ang issuance ng Voter Certification at Satellite Registration sa lahat ng Offices of Election Officer (OEO) sa mga nasabing lugar.
Sa abiso ng Comelec, bukas ang registration mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon at hanggang Sabado naman para sa Satellite registration.
Pero pinapayuhan ni Comelec spokesperson James Jimenez na direktang makipag-ugnayan sa kanilang mga local Comelec offices para sa schedule ng Satellite registration sa bawat lokalidad.
Para mapadali ang registration, maaaring idownload ang form para sa Voter registration sa comelec.gov.ph o maaari ring personal na magtungo sa mga tanggapan ng Comelec.
Pwede ring gamitin ang application na irehistro.comelec.gov.ph para sa pag-fill-up ng aplikasyon.
At saka magtungo sa local Comelec offices para sa documentary requirements at biometrics.
Sundin ang appointment schedule kung mayroon pero kung wala ay pwedeng mag-walk-in pero sundin ang mga Health at safety protocol.
Patuloy din ang pagsasawa ng disinfection sa mga tanggapan ng Comelec pagkatapos ng bawat registration kada araw.