Voter registration sa SM malls, inilunsad ng COMELEC
Pinasinayaan na ng Commission on Elections (COMELEC) at SM Supermalls ang satellite voter registration sa mga SM malls.
Ito ay matapos na lumagda ng kasunduan ang COMELEC at ang SM para sa pagsasagawa ng voter registration activities sa loob ng mga establisyimento nito.
Kabuuang 81 SM malls ang tatanggap ng mga magpaparehistrong botante sa GCQ at MGCQ areas mula Lunes hanggang Sabado.
Ang oras ng pagpaparehistro ay depende sa local election officers, mall operation hours, at quarantine rules sa lugar.
Tatanggap naman ng walk-in registrants sa SM malls pero hinihimok ng poll body ang mga botante na i-print at sagutan na ang application form.
Hanggang Setyembre 30 na lamang ang pagpaparehistro para sa 2022 elections.
Una nang ibinasura ng poll body ang mga panawagan na palawigin ang pagsasagawa ng voter registration.
Ito ay kahit suspendido ang rehistrasyon sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ at MECQ.
Gayunman, simula noong August 23 ay pinahaba ng poll body ang oras ng pagpaparehistro sa lahat ng Offices of Election Officers.
Ang bagong schedule ay mula 8:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi ng Lunes hanggang Biyernes mula sa dating 8:00am hanggang 5:00pm.
Binuksan din ng Comelec ang voter registration tuwing Sabado at holidays mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa mga tanggapan nito.
Samantala, sinabi ni COMELEC Spokesperson James Jimenes na pumalo na sa 61.06 million ang bilang ng registered voters para sa eleksyon sa susunod na taon.
Ayon kay Jimenez, inaasahan na ito ay mas tataas pa dahil ang nasabing bilang ay base pa sa kanilang datos noong Hulyo.
Moira Encina