Voter turnout ngayong May 2022 elections posibleng maging record breaking -Comelec
Ngayong May 9, 2022 National and Local Elections naitala ang may pinakamataas na voter turnout ng Commission on Elections.
Ayon kay Comelec Commissioner Marlon Casquejo nasa 80.38% na ng mahigit 65 milyong rehistradong botante sa bansa ang naitala nilang bumoto.
Ang bilang na ito, inaasahang mas tataas pa sa oras na matanggap na ng Comelec ang lahat ng datos.
Noong 2016 Presidential elections, nasa 81% ng mga botante ang bumoto, habang mahigit 70% naman noong 2019.
Para naman sa Overseas Absentee Voting, umabot na sa 34.24% ang voter turn out, pero hindi pa ito kumpleto at posibleng mas tumaas pa.
Nahigitan na nito ang bilang ng bumotong overseas voter noong 2016 na nasa 32%.
Habang sa local absentee voting, record breaking rin ang voter turnout na umabot sa 88%.
Pinakamataas daw ito mula noong 2010 presidential elections.
Ayon kay Casquejo, umabot sa 915 VCM ang pinalitan nila kahapon.
Pero kung ikukumpara sa mahigit 174,000 clustered precincts sa bansa, .8% lang daw ito.
Dahil rin sa mga naging aberya sa VCM, isusulong daw ulit ng Comelec na mapalitan na ang mga makina para sa automated elections sa 2025.
Madelyn Villar – Moratillo