VP at Education Sec. Sara Duterte nanawagan sa mga lokal na opisyal na huwag piliin ang mga kaibigan at kamag-anak sa pag-hire ng mga guro
Umapela si Vice- President at Education Secretary Sara Duterte sa mga lokal na opisyal na huwag pairalin ang mga koneksyon sa pag-hire ng mga guro.
Ang panawagan ay ginawa ng pangalawang- pangulo sa general assembly ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) kung saan siya ang guest of honor.
Sinabi ni VP Duterte na dapat ang pagpili sa mga pinapasok na guro sa Department of Education (DepEd) ay nakabatay sa rankings.
Aniya, hindi dapat na ipilit ng mga politiko na i-hire ang kanilang mga kakilala, kamag-anak o kaibigan.
Paliwanag pa ng education chief, konektado ang kalidad ng edukasyon sa kalidad ng mga kinukuha na teachers kaya hindi ito mapapabuti kung ang mga gusto lang ng lokal na opisyal ang iha-hire.
Dagdag pa ng kalihim, may paalala ang DepEd sa mga guro at principal at iba pang opisyal na huwag pumanig sa mga politiko at maging professional sa kanilang trabaho.
Kaugnay nito, pinaalalahan ni Duterte ang mga mayor na hindi ang mga guro at principal ang magpapanalo sa kanila sa eleksyon kundi ang kanilang trabaho.
Nakiusap din ito sa mga alkalde na huwag gamitin ang mga guro at ang mga paaralan para sa mga aktibidad ng lokal na pamahalaan.
Moira Encina