VP Leni Robredo, binalaan ng Malakanyang sa pagbibigay ng anumang classified informaton sa mga dayuhan kaugnay ng Anti-drug war ng pamahalaan
Pinaalalahanan ng Malakanyang si Vice President Leni Robredo na huwag magbigay ng mga classified information sa mga dayuhan kaugnay ng anti illegal drug campaign ng pamahalaan.
Ginawa ni Presidential Spokesman ang babala kay Vice President Robredo matapos itong makipagpulong sa mga US Embassy officials at kinatawan ng United Nations matapos nitong tanggapin ang pagiging Co-chairperson ng Inter-agency Committee on Anti Illegal Drug o ICAD.
Sinabi ni Panelo nakatakda ring mapasakamay ni Robredo ang listahan ng mga High Value Target sa illegal drug operations sa bansa na itinuturing na highly classified information.
Ayon kay Panelo bilang isang abogado alam ni Robredo ang batas na ang pagbibigay ng highly classified information sa mga dayuhan ay lalabag sa batas at maaaring magsapanganib sa kaligtasan ng sambayanang Filipino.
Inihayag ni Panelo na hindi saklaw ng kapangyarihan ni Robredo bilang Co-chairperson ng ICAD ang pagsisiwalat ng anumang highly classified information.
Ang US at UN ay matagal ng gustong magsagawa ng imbestigasyon sa anti drug war ng Duterte administration na sinasabing mabaharin ng isyu ng Extra Judicial Killings at Human Rights Violations.
Ulat ni Vic Somintac