VP Robredo ipinababasura sa PET ang apela ni BBM laban sa poll protest ruling
Hiniling ng kampo ni Vice- President Leni Robredo sa Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) na ibasura dahil sa kawalan ng merito ang apela ni dating Sen. Bongbong Marcos laban sa desisyon sa poll protest nito.
Sa mahigit 50-pahinang komento ni Robredo, sinabi nito na ang motion for reconsideration ni Marcos ay pawang rehash lamang ng mga argumento nito na una nang natalakay at napagpasyahan ng tribunal.
Iginiit ng kampo ng bise-presidente na hindi nagkamali ang PET sa pagbasura sa protesta ni Marcos.
Ayon sa panig ni Robredo, nabigo si Marcos na maipakita na nagkaroon ito ng substantial recovery ng mga boto sa tatlong pilot provinces nito na Iloilo, Camarines Sur, at Negros Oriental.
Malinaw anila sa Rule 65 ng 2010 PET Rules na kung mabigo ang protestant na magkaroon ng substantial recovery votes ay dapat nang ma-dismiss ang protesta.
Hindi rin anila napatunayan ng dating senador ang alegasyon na dinaya ito sa eleksyon ni Robredo kahit binigyan ito ng lahat ng pagkakataon ng PET para makapagprisinta ng ebidensya.
Dahil dito, binigyang-diin ng kampo ng pangalawang-pangulo na dapat nang mag-concede si Marcos at tanggapin ang pagkatalo nito noong 2016 elections.
Sa apela ni Marcos, hiniling nito sa PET na ituloy ang pagdinig sa kanyang third cause of action o ang annulment sa resulta ng halalan sa pagka-bise presidente sa Lanao del Sur, Basilan, at Maguindanao dahil sa sinasabing dayaan gaya ng terorismo, harassment ng mga botante, at preshading ng mga balota.
Maaari aniya itong ituloy dahil sa hiwalay at iba itong cause of action sa manual recount.
Batay sa resulta ng initial manual recount ng PET na inilabas noong Oktubre 2019 sa tatlong pilot provinces, lumamang pa si Robredo ng 15,000 boto kay Marcos.
Moira Encina