VP Sara at Makabayan bloc patuloy ang palitan ng maanghang na pahayag
Tuloy ang palitan ng maanghang na pahayag sa pagitan nina Vice President Sara Duterte at Makabayan bloc sa Kamara.
Muling binanatan ni Duterte ang Makabayan bloc dahil sa aniya’y pagsisinungaling at mga propaganda.
Ayon sa Pangalawang Pangulo, hindi red tagging o terror tagging ang ginawa niyang pag- uugnay sa Makabayan bloc sa Communist Party of the Philippines New People’s Army.
Sinabi ni Duterte, ang grupo ay direktang may kaugnayan sa NPA kaya maraming estudyante ang kanilang nire-recruit para sumama sa komunistang grupo.
Sinira aniya ng grupo ang magandang kinabukasan ng mga kabataan at marami sa mga na-recruit nila ang namatay sa pakikipaglaban .
Hindi raw siya magsasawang sagutin ang rebeldeng grupo sa kanilang mga rehashed statement dahil bahagi na ito ng pampatanggal niya ng stress sa mga kinakaharap na hamon sa Department of Education.
Nauna nang binatikos ng Makabayan bloc si Duterte dahil sa pagsusuot ng Bagobo Tagabawa dress sa SONA ng Pangulo pero ni-red tag umano ang mga estudyante at guro ng Lumad School sa Davao city.
Pero sinabi ni Duterte, desperado na ang Makabayan bloc at gumagamit lang ng isyu dahil ang tinutukoy nilang Lumad School ay ipinasara noong 2019 dahil bukod sa mga hindi lisensyadong guro, bigo silang maabot ang curriculum requirements at inilalayo ang mga estudyante kahit walang pahintulot ng mga magulang,
Meanne Corvera