VP Sara nag-courtesy call kay Japan PM Kishida; relasyon ng PH- Japan, paiigtingin sa Marcos Admin
Nasa Japan si Vice- President Sara Duterte kung saan dumalo ito sa state funeral ni dating Japanese Prime Minister Shinzo Abe.
Pero bago ito ay nag-courtesy call ang bise- presidente kay Prime Minister Kishida Fumio noong Lunes.
Tumagal nang 10 minuto ang pagkikita ng dalawang opisyal.
Ayon sa Ministry of Foreign Affairs ng Japan, nagpasalamat si Kishida kay Duterte sa pagdalo nito sa state funeral at ikinalugod nito ang pagpasa ng Senado at Kamara ng mga resolusyon na nagpapaabot ng simpatiya sa pagpanaw ni Abe.
Tiniyak din ni Kishida kay Duterte ang commitment nito para lalong palakasin ang ugnayan ng Japan at Pilipinas sa ilalim ng Marcos Government.
Kaugnay nito, ipinabatid ni Kishida ang desisyon ng Japan na tumulong sa improvement ng agricultural at fisheries value chains ng bansa.
Gayundin, sa pagsamsam ng mga maliliit na armas at sandata sa Mindanao at pagkakaloob ng educational support sa junior government officers sa Pilipinas upang mag-aral sa Japan.
Ipinahayag din ng prime minister ang kanaisan niya na makipagtulungan sa Pilipinas para sa pagtatag ng autonomous government sa Bangsamoro pagdating ng 2025.
Nagpasalamat naman si Duterte sa kooperasyon ng Japan sa infrastructure development at Mindanao peace process.
Tinalakay din ng dalawa ang mga isyu kaugnay sa East at South China Sea.
Moira Encina