Vulnerable groups sa Pampanga makatatanggap ng livelihood assistance
Nakatakdang lumikha ng mas maraming programang pangkabuhayan ang lokal na pamahalaan ng San Fernando, Pampanga sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office (CSWD), upang matulungan ang mga sambahayan na apektado ng pinaiiral na community quarantines sa lungsod.
Sa ilalim ng Localized Livelihood Assistant Grant (LAG) projects, target ng CSWD na matulungan ang 400 maliliit na negosyo sa 22 barangay para sa kanilang agarang rehabilitasyon.
Sinabi ni CSWD chief Aileen Villanueva, na dahil sa pagpapatupad ng gobyerno ng community quarantine rules and regulations, higit na naapektuhan ang mga maralitang pamilya at indibidwal na ang ikinabubuhay ay galing lang sa kanilang pang araw-araw na kita, lalo pa kung ang mga ito ay nabibilang sa vulnerable sector tulad ng PWD, solo parent, at iba pa.
Aniya, ang mga nabanggit na livelihood programs ay makakatulong ng malaki sa lokal na ekonomiya, sa pamamagitan ng recovery at re-establishment ng informal businesses at services.
Ulat ni Isabela Samia