Wala pa ring naitalang serious side effects sa mga batang edad 5-11 na binakunahan laban sa COVID-19, makalipas ang 10 araw
Inihayag ng Department of Health (DOH), na wala pa ring naitatalang “serious adverse events” sa mga batang edad lima hanggang 11 na binakunahan laban sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje sa publiko, “Walang serious na adverse side effects pero may walong kaso tayo ng non-serious adverse events.”
Aniya, apat sa nasabing kaso ang nakaranas ng pananakit o pangangati ng lalamunan, habang karamihan ay nakaranas lang ng rashes. Meron din namang nilagnat at nagsuka.
Nasa 263, 932 mula sa nabanggit na age group ang nabigyan na ng Pfizer COVID-19 vaccine.
February 7, 2022 nang simulan ang pediatric vaccination sa kalakhang Maynila, na sinundan ng pagsasagawa nito sa buong bansa noong Pebrero 14.
Sa kasalukuyan ay tanging ang bakuna lamang mula sa Pfizer ang may emergency use authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA), para gamitin sa 5-11 age group.
Kaugnay nito ay kaniya-kaniyan pakulo naman ang ginagawa ng local government units (LGUs), para hindi matakot kundi bagkus ay maengganyo pa ang mga bata para magpabakuna.
Ilan dito ay ang pag-convert sa vaccination sites para maging children’s party ang dating, may namimigay ng chocolates at meron din namang gumagamit ng mascots.
Samantala, umabot na sa 60.01 milyon Pinoy ang mayroon nang kumpletong COVID-19 primary series, habang nasa 8.01 milyan naman ang nabigyan na ng booster shots.