Walang Pilipinong nasaktan sa Moscow concert hall attack: DMW
Walang napaulat na Pilipinong nasaktan sa nangyaring pag-atake sa isang concert hall sa Moscow, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW.)
Sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, na base ito sa impormasyong ibinigay ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Ed de Vega.
Nagpahayag naman ng pakikiramay si Cacdac, “Our deepest sympathies and prayers for the families of the victims of the attack.”
Ayon sa Russian authorities, hindi bababa sa 60, kabilang ang mga bata ang napaulat na namatay makaraang umatake ng limang lalaking naka-camouflage sa loob ng Crocus City Hall, at pinagbabaril ang mga nanonood ng concert gamit ang automatic weapons.
Nangyari ang pag-atake bago magsimula ang performance ng Soviet-era rock group na “Picnic.”
Inako naman ng Islamic State ang responsibilidad sa pag-atake.