Walang spike sa COVID-19 cases sa ngayon – DOH
Sinabi ng Department of Health (DOH), na kung ang pagsunod sa minimum public health standards (MPHS) ay bumaba, ang bansa ay makakikita ng higit sa 200 bagong kaso ng COVID-19 bawat araw sa kalagitnaan ng buwang ito.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, wala silang naobserbahang pagtaas sa mga kaso, pangunahin dahil sa pagsunod sa MPHS.
Gayunman, batay sa mga projection na ginawa ng Feasibility Analysis of Syndromic Surveillance gamit ang Spatio-Temporal Epidemiological Modeler (FASSSTER), ang pang-araw-araw na average na mga kaso ay maaaring umabot sa 205 bago ang Mayo 15, na mangyayari kapag bumaba ang pagsunod sa MPHS.
Sinabi ni Cabotaje na kung magpapatuloy ang pagsunod sa MPHS, ang mga kaso ay maaaring bumaba sa 28 bawat araw sa kalagitnaan ng Mayo.
Idinagdag niya na maraming mga kadahilanan ang isinasaalang-alang ng FASSSTER sa paggawa ng mga projection, kabilang ang pagkakaroon ng isang bagong variant ng COVID-19, galaw ng populasyon at pagbabakuna.
Nang tanungin kung may pangangailangan na magpataw ng mandatory quarantine para sa mga papasok na international travelers, ang sagot ni Cabotaje ay negatibo.
Sinabi niya na ang bansa ay patuloy na sumusunod sa Resolution 164-A ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Sa ilalim ng resolusyon, hindi na mandatory ang quarantine pagdating. Gayunpaman, ang mga papasok na manlalakbay ay kinakailangang magpakita ng 48-oras na RT-PCR test at 24-hour antigen test na may mga negatibong resulta.
Aniya . . . “If they are foreigners and they have not been vaccinated, they will be denied entry.”
Ang mga manlalakbay na Filipino, sa kabilang banda, ay pinapayuhan na sumailalim sa home quarantine.