Walk-in sa DFA, pwede na ulit
Puwede na ulit ang walk-in transactions sa lahat ng embahada at konsulada ng Pilipinas, pagdating ng Marso 21.
Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay, na inatasan na ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin, Jr. ang lahat ng mga embahada at konsulada ng Pilipinas sa buong bansa na ibalik na ang pre-pandemic operations.
Ipinag-utos din ni Locsin na tanggapin ang refugee applications, sa ilalim ng isang kasunduan kasama ang Department of Justice (DOJ) na siyang may huling desisyon ukol dito.
Una nang inihayag ng kalihim na tumanggap na ang Pilipinas ng Afghan refugees kabilang ang mga bata at mga babae, ilang linggo makaraang i-take over ng Taliban ang Afghanistan noong nakaraang Agosto.
Subali’t hindi nito binanggit ang bilang ng refugees, pero sinabing welcome sa bansa ang Afghan nationals na nais tumakas mula sa kaguluhan, pang-aabuso at pagkamatay sa kanilang lugar.