Wall of Heroes, itinatayo na bilang pagkilala sa mga pumanaw na Health workers ngayong Pandemya
Hindi lamang mga bayaning Filipino at mga ninuno ng bansa ang binigyang-pugay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdiriwang kahapon ng ika-123 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Araw ng Kalayaan.
Sa kaniyang talumpati, kinilala din nito ang mga bagong bayani ngayong panahon ng Pandemya.
Sila ay ang mga doktor, nurse, law enforcement officers at iba pang manggagawang Filipino.
“As we commemorate Independence Day, let us honor our modern-day heroes — our healthcare workers, law enforcement officers, and other frontliners who have been instrumental in our fight against COVID-19 pandemic. Marami pong salamat sa inyong pagmalasakit at serbisyo,”- PRRD
Kaugnay nito, inanunsyo ng Pangulo ng bagong proyekto ng pamahalaan sa pakikipagtulungan ng Armed Forces of the Philippines.
Ito ay ang Wall of Heroes na itinatayo na sa Libingan ng mga Bayani.
Aniya, lahat ng mga nasawing doktor, nurses at law enforcers dahil sa pagseserbisyo ngayong Pandemya ay kikilalanin, pararangalan at iuukit ang kanilang mga pangalan sa nasabing pader.
Personal na dinaluhan ng Pangulo ang pagdiriwang kahapon sa Malolos, Bulacan kung saan iginawad ang pagkilala kina Marcelo Del Pilar at Gen. Gregorio Del Pilar dahil sa natatanging kontribusyon at kabayanihan nila sa pagtatamo ng kalayaan ng bansa.