Walo kataong idinitini matapos ang Vienna attack, dati nang nakulong
Sinabi ni Austrian interior minister, na walo sa mga idinitini kasunod ng terrorist attack sa Vienna noong Lunes ng gabi, ay dati nang nakulong.
Sa nangyaring pag-atake kung saan isang Austrian-born na lalaki ang bumaril at nakapatay sa apat katao, sa isang sikat na nightlife area sa central Vienna noong Lunes ng gabi, ay kabuuang 16 katao ang inaresto ng pulisya.
Sinabi ni Interior Minister Karl Nehammer, na apat sa mga ito ay nakulong na dahil sa terrorism-related offences, dalawa ay dahil sa violent crime offences, at dalawa ay dahil sa attempted “honour killing.”
Bagamat wala na siyang iba pang idinagdag na detalye, sinabi ni Nehammer na mahigpit ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Federal Bureau of Investigation (FBI) na siyang nagbigay ng mahahalagang impormasyon sa Austrian authorities.
Umabot na rin sa Switzerland ang imbestigasyon, kung saan kinumpirma ng prosecutors na dalawang lalaking Swiss edad 18 at 24 na nahuli noong Miyerkoles, ay naging target na ng criminal cases kaugnay ng terrorism offences.
Ayon kay Nehammer, ang mga awtoridad sa isa pang bansa ay nagsasagawa na rin ng pagsisiyasat tungkol sa direktang kaugnayan sa salarin, ngunit hindi niya mapangalanan ang nabanggit na bansa dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Sa ulat naman ng Der Spiegel newspaper ng Germany, ang attacker ay nakipag-ugnayan sa German Islamists habang nagtatangka itong bumiyahe patungo sa Syria para sumama sa Islamic State organisation.
Tumutulong na rin ang mga katabing bansa sa mga awtoridad sa Austria, maging ang Europol, ang law enforcement agency ng European Union (EU) na nagpadala na ng dalawang agents sa Vienna.
Ang insidente ng pamamaril ay ang kauna-unahang major terror attack sa Austria sa nakalipas na ilang dekada.
Samantala, lumabas na sa local media ang dagdag na mga detalye tungkol sa mga nasawi sa pag-atake, kung saan ang pinakabata ay isang 21-anyos na pinangalanang Nedzip V.
Ang iba pang mga biktima ay isang 24-anyos na German student sa University of Applied Arts sa Vienna na nagtatrabaho bilang isang waitress, isang 39-anyos na lalaki at isang 44-anyos na babae.
© Agence France-Presse