Walo patay sa pananalasa ng bagyo sa southeast coast ng India
Walo katao ang namatay dulot ng matinding pagbaha sa mga lansangan ng Chennai sa India, habang inaasahang magla-landfall ang Cyclone Michaung sa southeast coast.
Ayon sa Indian Meteorological Department (IMD), ang bagyo ay tinatayang tatama sa baybayin ng estado ng Andhra Pradesh ngayong Martes bilang isang “severe cyclonic storm,” na may lakas ng hangin na aabot sa 100 kilometro (62 milya) kada oras.
Sa Chennai, nakitang lumulutang ang mga sasakyan sa rumaragasang agos, binaha ang mga bahay, at nakitang lumalangoy ang isang buwaya sa mga lansangan sa lungsod.
Sa ilang bahagi ng lungsod na binaha, ang mga tao ay gumamit ng mga bangka upang makalabas sa kanilang binahang mga lugar patungo sa relief shelter ng gobyerno.
Nagbabala ang IMD ng “lubhang malakas na mga pag-ulan” sa ilang lugar.
Sinabi ni Tamil Nadu, state chief minister M.K. Stalin, “We are facing the worst storm in recent memory.”
The centre of the storm is expected to hit Andhra Pradesh state’s coast late Tuesday morning as a “severe cyclonic storm” / R. Satish BABU / AFP
Ayon sa mga pulis, walo katao ang namatay sa state capital ng Chennai. Kabilang dito ang ilan na nalunod, may isa naman na tinamaan ng natumbang puno, ang isa ay nakuryente ng live wire sa tubig, at ang isa ay nabagsakan ng dingding.
Nabunot ang mga puno at ang mga sasakyan ay tinangay dahil sa malakas na ulan, batay sa mga post sa social media.
Sinuspinde naman ng Apple iPhone manufacturers na Foxconn at Pegatron at automaker na Hyundai ang kanilang operasyon sa Tamil Nadu dahil sa bagyo.
Ang cyclone ay inaasahang tatama sa southeast coast ng India malapit sa bayan ng Bapatla, sa 300-kilometre (185-mile) stretch sa pagitan ng Nellore at Machilipatnam.
Daan-daang katao mula sa mga coastal village sa kalapit na estado ng Andhra Pradesh ang lumikas, habang idineploy naman ang emergency rescue team upang tugunan ang magiging resulta ng pag-landfall ng bagyo.
Ayon sa IMD, inaasahan ang pagdagsa ng mga alon ng dagat na hanggang 1.5 metro (halos limang talampakan) mas mataas sa normal na antas ng tubig kapag nag-landfall ang bagyo.
Sinabi ng Home Minister na si Amit Shah, na ang gobyerno ay “nakahanda upang ibigay ang lahat ng kinakailangang tulong sa Andhra Pradesh,” kung saan naka-deploy na ang rescue teams at may mga “nakastandby pa upang pakilusin kung kinakailangan.”
Nagbabala ang mga siyentipiko na ang mga bagyo ay nagiging mas malakas habang ang mundo ay umiinit sa pagbabago ng klima.
Ang cyclones — ang katumbas ng hurricanes sa North Atlantic o mga bagyo sa Northwest Pacific — ay isang regular at nakamamatay na banta sa mga baybayin sa hilagang Indian Ocean, kung saan sampu-sampung milyong tao ang naninirahan.