Walong indibidwal na sangkot sa ‘Rent-Tangay’ Scam, pinakakasuhan na ng DOJ sa Korte ng large-scale Estafa
Inirekomenda na ng DOJ na sampahan ng kasong large-scale estafa ang walong indibidwal na dawit sa tinatawag na ‘rent-tangay’ o ‘rent-sangla’ scam.
Ang mga ito ay sina Rafaela M. Anunciacion, Marilou V. Cruz, Edgardo Ramos, Alfredo M. Ronquillo, Eliseo Cortez, Anastacia M. Cauyan, Sabina D. Torrea, at Leonardo M. Torrea.
Sa resolusyon nina DOJ Assistant State Prosecutors Bryan Jacinto Cacha at Anna Noreen Devanadera, sinabi na nakitaan ng sapat na batayan para kasuhan ang walo ng syndicated o large-scale estafa na paglabag sa ilalim ng Article 315, 2(a) ng Revised Penal Code.
Sinabi ng DOJ na lahat ng elemento ng estafa ay present sa kaso.
Pasok ito sa large scale estafa dahil higit lima ang mga magkaka-kuntsaba.
Ang kaso laban sa mga respondents ay nag-ugat sa mga reklamong inihain ng ilang car owners na nabiktima ng mga ito.
Ibinasura naman ng DOJ ang reklamong carnapping laban sa mga suspek dahil wala intimidasyong nangyari kundi pawang panlilinlang.
Ibinasura din ang reklamong large-scale estafa laban kina Ramon Anunciacion, Vladimir Cauyan, Carlo Anunciacion, Erico Cruz, at Bienvenido Cruz dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Ayon sa mga complainant, sila ay pinangakuan ng mga respondent ng buwanang kita na mula 25 thousand pesos hanggang 45 thousand pesos mula sa pagpapa-arkila ng kanilang sasakyan.
Pero kalaunan ay nabatid nila na isinangla o ibinenta na pala sa iba nang hindi nila nalalaman ang kanilang sasakyan.
Hindi naman napaniwala ng mga inireklamo ang DOJ sa kanilang paliwanag na legal ang kanilang negosyo ay rehistrado pa sa SEC ang Creative Tempo na kumpanyang kanilang kina-aaniban.
Napag-alaman ng DOJ na hindi sa rent- a -car business ang nakarehistro sa kumpanya ng mga inireklamo kundi sa manpower purposes, service/employment, at janitorial services.
Ulat ni Moira Encina