Walong kampo at real properties ng PNP pinangalanan at pinalitan ng pangalan ni PBBM
Ipinalabas ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang Proclamation Nos. 429 at 430, na nagbibigay ng pangalan at nagpapalit ng pangalan sa hindi bababa sa walong mga kampo at real properties ng Philippine National Police (PNP), upang parangalan ang mga dating opisyal ng pulisya para sa huwaran nilang serbisyo.
Ang dalawang pahinang Proclamation No. 429, na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin noong Disyembre 20, ay nagsabing nararapat na bigyan ng karangalan ang mga dating pulis na nagpakita ng huwarang serbisyo at dedikasyon sa paglilingkod sa mga lalawigan at munisipalidad kung saan sila na-assigned.
Sabi ng Pangulo, “It is fitting to give honor to former servicemen who have shown patriotism, courage, and dedication in serving the country and the provinces to which they are assigned, and distinguished themselves in their service to the nation, by way of naming and renaming PNP facilities in their honor.”
Pinangalanan ng Pangulo ang donasyong lote sa PNP sa Pasacao, Camarines Sur bilang Camp Brigadier General Ludovico Padilla Arejola; ang naibigay na lote sa PRO-5 bilang Camp Captain Salvador Jaucian del Rosaro, Sr.; at, ang Camarines South Provincial Police Office bilang Camp Colonel Juan Querubin Miranda.
Pinangalanan din ng Pangulo ang 50th Maneuver Company Regional Mobile Force Battalion 5 bilang Camp Police Max Jim Ramirez Tria habang pinalitan naman niya ang dating Camp Efigenio C Navarro, PRO MIMROPA Headquarters bilang Camp Brigadier General Efigenio C Navarro.
Sa Proclamation No. 430 naman, ang Police Regional Office 12 ng General Santos City ay pinalitan ng pangalan at ginawang Camp General Paulino T. Santos, Police Regional Office 12 at ang Biliran Police Provincial Office ay ginawang Camp Private Andres P. Dadizon, Police Regional Office 8.
Habang ang Camarines Sur 1st Provincial Mobile Force Company Headquarters ay pinangalanan ng Pangulo bilang Camp 2LT Carlos Rafael Paz Imperial, Police Regional Office 5.
Sa pagpapangalan at pagpapalit ng pangalan sa mga kampo at ari-arian ng PNP, binanggit ni Pangulong Marcos ang Seksyon 2 ng Republic Act No. 10086, o ang Strengthening People’s Nationalism through Philippine History Act, na nagpapatibay sa nasyonalismo ng mga tao, pagmamahal sa bayan at paggalang sa mga bayani nito at pagmamalaki sa mga nagawa ng mga tao.