8 milyong bakuna kontra Covid-19, naibigay sa loob ng 3 araw na Bayanihan Bakunahan, batay sa partial count
Inihayag ng National Vaccination Operations Center (NVOC), na higit walong milyong doses ng Covid-19 vaccines ang naibigay sa panahon ng tatlong araw na “Bayanihan, Bakunahan” campaign base sa partial records.
Sa Laging Hnada public briefing ngayong Biyernes, sinabi ni NVOC chairperson at Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, na ang pinal bilang ng kampanya ay ipalalabas bandang ala-6:00 ng gabi, makaraang maisumite ng mga rehiyon ang kanilang ulat.
Sa 8,014,751 doses hanggang kaninang ala-6:00 ng umaga, 2,709,344 doses ang naibigay noong Lunes, 2,475,479 doses noong Martes, at 2,829,928 noong Miyerkoles.
Kabilang sa top-performing regions ay ang Calabarzon, Central Luzon, at Central Visayas, habang ang Cebu Province, Negros Occidental, at Cavite naman ang top-performing provinces.
Ayon kay Cabotaje . . . “Together, they accounted for about a third of the eight million jabs during the three days.”
Pinayagan ang local government units (LGUs) na i-extend ang malawakang vaccination hanggang ngayong Biyernes, ngunit hindi na ito isasama sa tally.
Kabilang sa nag-extend ng dalawang araw pa ay ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Bicol, Western Visayas, Soccsksargen, at Central Visayas.
Sinabi ni Cabotaje, na ang performance ng December 2 at December 3, ay itatalang kasama ng regular na arawang pagbabakuna.
Sa pamamagitan ng partial vaccine throughput sa panahon ng “Bayanihan, Bakunahan,” ang kabuuang bilang ng bakuna na naiturok na ay 90,214, 170 doses mula nang mag-umpisa ang vaccine rollout noong Marso.
Sa kabuuan ng bakunang naibigay, 37,334,887 dito ay second doses at ang 421,406 ay booster o additional shots para sa healthcare workers, senior citizens, at immunocompromised individuals.
Samantala, ang average daily vaccination rate sa nakalipas na pitong araw ay tumaas din sa 1,515,884 doses mula sa 1,010,869 ng nakalipas na linggo.