Walong Pinoy na biktima ng online job scam, nakabalik na sa Pilipinas mula sa Cambodia
Dumating na sa bansa ang walong Pilipino na biktima ng online scamming at catfishing syndicate sa Cambodia.
Ang mga Pinoy ay sinalubong ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo José de Vega sa NAIA Terminal 2.
Ayon kay De Vega, seryosong regional issue sa Timog-Silangang Asya ang human trafficking at tiniyak na nagsisikap ang DFA para maingatan ang mga Pinoy saanman sila naroroon.
Nasagip ang mga nasabing Pinoy ng Cambodian National Police.
Inimbestigahan din muna sila ng Anti-Cyber Crime Unit bago na i-turnover sa General Department of Immigration.
Muling inihayag ng DFA na hindi puwedeng magtrabaho ang mga turista sa Cambodia nang walang valid work permit.
Karamihan din umano ng mga trabaho sa customer service sa Timog-Silangang Asya ay bogus.
Moira Encina