Walong pulis sa Lambayong, Sultan Kudarat, inireklamo ng murder sa DOJ kaugnay sa umano’y engkuwentro na ikinamatay ng tatlong kabataan
Sinampahan ng NBI-NCR ng patung-patong na reklamong kriminal sa DOJ ang walong pulis ng Lambayong, Sultan Kudarat Municipal Police Station.
Kaugnay ito sa sinasabing shootout sa lugar noong Disyembre ng nakaraang taon kung saan namatay ang tatlong menor de edad na tinukoy na sina Samanudin Ali, Horton Ansa, Jr. at Arsad Ansa.
Mga reklamong murder, planting of evidence, at falsification of documents ang inihain laban sa mga pulis.
Pangunahin sa mga kinasuhan si PMaj. Jenahmeel Toñacao na hepe ng Lambayong Municipal Police Station.
Ipinagharap din ng mga reklamo ang pitong iba pang pulis na sina PSMS. Syril Mahaddi, PCPL. Elpedio Garlit, PCPL. Joffrey Apalla, PAT. Nicol Dion Toreja, PAT. Basser Mako, PAT. Mario Rombaoa Jr., at PAT. Roldan Claveria.
Tumatayong complainant ang mga magulang ng mga biktima.
Iginiit ng abogado ng mga pamilya ng mga biktima na si Atty. Ronald Hallid Torres na walang shootout na nangyari sa pagitan ng mga respondent at mga biktimang kabataan.
Ayon kay Torres, kumpleto ang mga ebidensya na hawak nila na magpapatunay sa kanilang mga alegasyon laban sa mga pulis.
Batay aniya sa post- mortem report, binaril nang malapitan ang mga biktima kung saan ang isa ay nakaluhod nang barilin.
Nagpasalamat naman ang mga kaanak ng mga biktima dahil pormal nang inireklamo ang mga salarin.
Una nang iginiit ng mga pulis na tumanggi na huminto sa checkpoint ang mga binatilyo na nakasakay sa motorsiklo na nagresulta sa armadong kumprontasyon.
Nakumpiska rin umano mula sa mga binatilyo ang ilang baril at bala at plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Moira Encina