Walong Senador, dadalo sa huling SONA ni Pangulong Duterte
Walo sa 24 na Senador lamang ang dadalo sa ika-anim na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasan complex sa Lunes, July 26.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, bukod sa kanya, nagkumpirmang magtutungo sa Batasan sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senador Ronald dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Christopher Lawrence Go, Imee Marcos, Ramon Revilla Jr. at Francis Tolentino.
Inoobliga naman aniya ang mga mambabatas at kanilang mga staff na dalhin ang kanilang Covid-19 vaccination cards kung saan nakasaad na dapat nabakunahan sila dalawang linggo bago ang SONA ng Pangulo.
Kinakailangan rin silang sumailalim sa RT-PCR swab test dalawang araw bago ang okayson.
Kung magne-negatibo, sasailalim rin sila sa Antigen Covid test sa Lunes na gagawin ng Presidential Security Group sa Batasan complex.
Iisyuhan naman sila ng PSG prescribed facemask at faceshield na may QR codes.
Sinabi ni Sotto na inaasahan nilang irereport ng Pangulo ang mga achievements ng kaniyang administrasyon sa nakaraang limang taon sa serbisyo at kung ano pa ang magiging tugon ng pamahalaan sa matinding problemang dulot ng Pandemya.
Meanne Corvera