Walong Senador lumagda sa Committee report hinggil sa umano’y anomalya sa paggastos ng COVID-19 response fund
Walong Senador na ang lumagda sa Committee report na hinggil sa umanoy anomalya sa paggastos ng COVID-19 response fund.
Bukod kay Senador Richard Gordon na Chairman ng Blue ribbon committee, lumagda sa report sina Senador Ping Lacson , Senador Manny Pacquiao, Senador Leila de lima, Senador Koko Pimentel, Senador Francis Pangilinan, Senador Franklin Drilon at Senador Risa Hontiveros.
Labing isang lagda ng dalawampung miyembro ng komite ang kailangan bago ito matalakay sa Plenaryo.
Nauna nang inirekomenda ng Komite ang pagsasampa ng kaso kay Pangulong Duterte at Health secretary Francisco Duque dahil sa umano’y nangyaring anomalya sa paggastos ng COVID funds na nagkakahalaga ng 40 billion pesos.
Kasama sa mga inirekomendang makasuhan sina dating Presidential economic adviser Michael Yang, procurement head Loyd Christopher Lao at mga opisyal ng Pharmally.
Meanne Corvera