Walong suspek na sangkot sa pagkamatay ng isang estudyante dahil sa hazing, kinasuhan na
Sinampahan na ng kaso ang walong suspek sa pagkamatay ng isang criminology student sa isang unibersidad sa Davao City, dahil sa hazing.
Noong Setyembre 18, 2022 ay inabutan ng mga awtoridad ang bangkay ng isang lalaking nakahandusay at puno ng pasa, sa Purok Sto Niño, Sison Village, Upper Mandug, Buhangin District sa Davao City kasama ang isa pang di na pinangalanang biktima na puno rin ng pasa sa katawan, na agad dinala sa pagamutan.
Ang bangkay ay nakilalang si August Caezar Saplot, 19 anyos, BS Criminology student ng University of Mindanao at residente ng Purok 9, Panuntungan,Tibungco, Davao City.
Ayon sa mga pulis, si Saplot at ang isa pang estudyante ay sumailalim sa initiation rites ng Alpha Kappa Rho-Alpha Delta Chapter Davao, ngunit hindi kinaya ni Saplot ang tinamong mga pasa sa katawan na sanhi ng pagkamatay nito.
Agad namang nahuli ang walo sa 14 na miyembro ng nabanggit na fraternity na itinuturong may kinalaman sa pangyayari, sa isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad.
Ang mga nadakip ay nakilalang sina:
1. Jeremiah Moya
2. Leji Wensdy Quibuyen
3. John Lloyd Sumagang
4. Harold Joshua Flauta
5. John Steven Silvosa
6. Ramel John Gamo
7. Gilbert Asoy, Jr., at
8. Roseller Gaentano
Patuloy namang pinaghahanap ang anim pa nilang kasamahan na nakilalang sina:
1. Ryan James Ranolo
2. Harold Gocotano
3. John Bacacao
4. Cherie Norico
5. Kadjo Matobato at
6. George M. Regalado
Ayon sa Police Regional Office 9, ang mga nabanggit ay mahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Law.
Kinondena naman ng University of Mindanao ang pangyayari sa pamamagitan ng isang open letter, kung saan nakasaad na hindi nila kinilala ang nabanggit na fraternity at tinitiyak nilang walang fraternity sa kanilang paaralan.
Subali’t dahil lahat ng sangkot sa pangyayari ay mga estudyante ng kanilang unibersidad, kaya siniguro nila na tutulong sila sa pangangailangan ng pamilya ng biktima at sa pagkakamit ng hustisya.
Noreen Ygonia