Walong taong gulang na bata, patay sa pagmamaltrato ng tiyuhin at kinakasama
Isang walong taong gulang na batang lalaki ang namatay makaraang maltratuhin ng tiyuhin at kinakasama nito, sa Barangay Pasong Tamo sa Quezon City.
Ang biktima na nakilalang si John Mark Gascon na binawian ng buhay makalipas ang ilang araw na pagkaka-confine sa isang ospital, ay nagtamo ng mga galos at sugat sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan nang maltratuhin ng kaniyang tiyuhin at kinakasama nito noong November 8.
Nahuli naman kapwa ang tiyuhin ng biktima na nakilalang si Rodney Lucas at ang kinakasama nito na si Hasan Capuchino.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), dinakip nila ang dalawa matapos i-report ng isang concerned citizen ang ginagawa ng mga ito sa bata.
Sinabi naman ng dalawang kapatid ng biktima na sila man ay sinasaktan din ng suspek, at minomolestiya rin sila ng kinakasama ng kanilang tiyuhin.
Aminado naman si Capuchino sa ginawang pananakit kay John Mark na naging sanhi ng kamatayan nito, pati na ang pagmomolestiya sa mga kapatid na babae ng biktima.
Iginiit naman ni Lucas na hindi niya sinasaktan ng labis ang kaniyang mga pamangkin kapag dinidisiplina niya ang mga ito, pero wala aniya siya sa bahay nang mangyari ang pananakit kay John Mark at hindi rin alam maging ang iba pang ginagawa sa kaniyang pamangkin.
Lumitaw sa imbestigasyon ng QCPD, na dinala pa ni Capuchino si John Mark sa ospital matapos ang ginawang pambubugbog ngunit sa halip na sabihin sa mga doktor ang totoong kalagayan ng bata ay nagsinungaling ito, kaya ilang araw lamang ang lumipas ay namatay ang bata.
Makailang beses na umanong nangyari ang pananakit sa biktima at sa mga kapatid nito, at nabatid din na halos isang taon na palang nasa kanilang pangangalaga ang mga bata.
Sa pakikipanayam sa ama ng biktima na si John Paul Gascon, ay mangiyak-ngiyak nitong sinabi na masayahing bata si John Mark at pangarap nitong maging sundalo. Inakala rin niya na maayos ang lagay ng kaniyang mga anak sa piling ng kaniyang mga kamag-anak sa Isabela, ngunit kinuha pala ito ni Lucas at dinala sa Quezon City.
Desidido rin ang ama ni John Mark na sampahan ng kaso ang kaniyang bayaw at ang kinakasama nito.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga muna ng Bahay Kalinga sa Quezon City ang dalawang kapatid na babae ni John Mark upang sumailalim sa counseling, bunga na rin ng tinamong trauma ng mga ito at i-a-asses din ng social welfare department ng Quezon City kung maaari na silang kunin ng kanilang ama.
Sasampahan ng kasong murder, direct assault at paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang dalawang suspek.
Sinabi ni Police Lt. Anthony Dacquel, station investigation and detective unit ng QCPD, na patuloy ang gagawin nilang imbestigasyon, habang nangako naman ang lokal na pamahalaan ng Quezon City na tutulungan nila ang ama ng biktima.
Earlo Bringas