Walrus namatay dahil sa bird flu sa arctic island
Sinabi ng isang researcher na na-detect ang unang kaso ng namatay na walrus dahil sa bird flu, sa isa sa Arctic islands ng Norway.
Ayon kay Christian Lydersen ng Norwegian Polar Institute, ang walrus ay natagpuan noong isang taon sa Hopen island sa Svalbard archipelago.
Sinabi ni Lydersen, na ang mga pagsusuring ginawa ng isang German laboratory ay nagpakita ng presensiya ng bird flu.
Subali’t ang sample ay napakaliit upang matiyak kung iyon ba ay H5N1 o H5N8 strain.
Aniya, “It is the first time that bird flu has been recorded in a walrus.”
Nasa anim na patay na walrus ang nakita noong isang taon sa Svalbard islands, may 1,000 kilometro (620 milya) mula sa North Pole at nasa kalahatian sa pagitan ng mainland Norway at ng North Pole.
Ayon kay Lydersen, “It was ‘not improbable’ that some of them had the bird flu.”
Ang kalimitang kinakain ng mga walrus, na maaaring umabot ang bigat ng hanggang dalawang tonelada, ay isda at shellfish, ngunit minsan ay kumakain din sila ng marine birds.
Sinabi ni Lydersen na mahalagang mabantayan ang developments, dahil madalas na nagsasam-sama ang mga walrus sa isang grupo tuwing summer months kapag natutunaw na ang yelo.
May panganib din na makain ng isang polar bear ang bangkay ng isang walrus na infected ng bird flu.
Simula pa noong 2020, ay tumaas na ang bilang ng farm animals na namamatay dahil sa bird flu, at ayon sa US authorities, mayroon na ring namatay na isang polar bear sa Alaska dahil sa sakit.
Sabi naman ng Antarctic researchers, libu-libong marine mammals na ang namatay dahil sa bird flu viruses sa South America.