Wanted na Aleman dahil sa tangkang pagpatay, timbog sa Bohol ng Bureau of Immigration
Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang Aleman na wanted sa kanyang bansa dahil sa tangkang pagpatay mahigit 10 taon na ang nakakaraan.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang pugante na si Lothar Gunther Bebenroth, singkwentay dos anyos na nadakip sa Alburquerque, Bohol.
Ang dayuhan ay nahaharap sa kasong serious assault sa Korte sa Germany dahil sa pagsaksak sa kapwa Aleman noong December 2006.
Nagpalabas ang Korte ng Postdam, Germany ng arrest warrant laban kay Bebenroth dahil sa pag-iwas na dumalo sa mga pagdinig ng kanyang kaso.
Dahil dito, humingi ng tulong ang German embassy sa BI para matunton at matimbog ang banyaga.
Batay sa BI travel database, nagtatago sa bansa si Bebenroth simula pa noong May 1, 2014 nang dumating siya bilang turista.
Ulat ni: Moira Encina