Wanted na British at American national, arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration
Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang British at American national na wanted sa kani-kanilang bansa.
Ayon sa BI, si William James Neville Ireland 68-anyos ay naaresto sa Lubao, Pampanga pero dumating sa bansa noon pang 2013 bilang turista.
Ayon sa BI, si Ireland ay matagal nang pinaghahanap ng National Crime Agency ng United Kingdom dahil sa pagkakasangkot sa ilang sexual acts sa mga menor de edad sa Northern Ireland noong 1996.
Nahaharap ito sa pitong bilang ng indecent assault sa babae at two counts ng gross indecency kung saan ang biktima at bata.
Naaresto naman ang 45-anyos na si Shane Edward Scism sa Marikina City na wanted sa New York.
May kinakaharap na warrant of arrest si Scism mula sa State of New York noon pang July 30.
Nakatakdang ipa-deport ang dalawang banyaga dahil sa pagiging banta nito sa mga kababaihan at mga kabataan sa bansa.
Kapwa undesirable aliens na rin ang mga ito.
Ilalagay na rin sa blacklist ng BI ang dalawa at hindi na papayagan pang makabalik pa ng Pilipinas. Pansamantalang nakapiit ang mga ito sa detention facility ng Immigration sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.
Ulat ni Madz Moratillo