Wanted na Chinese national naharang sa NAIA
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport, ang usang Chinese national na wanted dahil sa trafficking at pagrecruit ng mga Pinay para iligal na magtrabaho sa China.
Ayon kay Immigration Commssioner Norman Tansingco, ang 35-anyos na dayuhan ay nakilalang si Tong Jialong.
Pagdating sa Immigration nakita na mayroong red notice si Tong dahil sa pagiging pugante sa batas sa kanyang bansa.
Sa impormasyon na natanggap ng BI, sangkot umano si Tong sa pagpuslit ng 40 Pinay para iligal na makapasok sa China noong 2018.
Ibinyahe umano ang mga ito sa Vietnam at pagkatapos ay itinawid sa border.
Ang nasabing mga Pinay ay pinagtrabaho umano bilang sex workers o illegal household service workers sa China.
Nagtago umano si Tong sa Pilipinas mula noong 2018.
Pinatuloy naman ng BI sa kanyang byahe si Tong pabalik sa China, at kasalukuyan na umano itong nasa kustodiya ng Chinese police.
Madz Vilar-Muratillo