Wanted na Hapones, arestado ng NBI sa Parañaque City
Timbog ng NBI- Special Task Force sa Parañaque City ang isang Hapones na nasa Blue Notice ng Interpol.
Ayon sa NBI, wanted sa iba’t ibang krimen sa Japan at iba pang bansa ang puganteng si Watanabe Yuki alyas Kenji Shimada o Shi Shimada.
Sinabi ni NBI OIC Director Eric Distor na si Yuki ay sinasabi ring nag-o-operate ng online fraud syndicate at extortion activities sa Pilipinas.
Nabatid pa sa beripikasyon ng NBI na si Yuki ay tinatawag na “Big Boss” ng pinakamalaking sindikato ng telecommunication fraud sa ilang bansa kabilang ang Japan at Pilipinas.
Matapos makumpirma ang hotel sa Parañaque na pinagtataguan ni Yuki ay agad na nakipag-ugnayan ang NBI sa Bureau of Immigration para madakip ang Hapones.
Sa bisa ng Mission Order na inisyu ng BI, nagtungo ang mga tauhan ng NBI sa hotel sa Parañaque at inaresto si Yuki.
Hinuli rin ng mga otoridad ang dalawang kasamang Hapones ni Yuki na sina Tomonobu Saito at Kousuke II matapos na walang maipakitang dokumento at pasaporte.
Napag-alaman ng NBI na may outstanding summary deportation order laban kay Saito.
Pero pinakawalan si Kousuke II dahil sa kawalan ng probable cause at walang nakitang criminal record laban dito ang NBI.
Valid din hanggang ngayong Mayo ang tourist visa nito kaya hindi ito maituturing na overstaying alien.
Itinurn over naman ng NBI sa BI sina Yuki at Saito matapos ma-clear sa COVID-19.
Moira Encina