War crimes complaints vs Myanmar Military Junta, inihain sa DOJ
Dumulog sa Department of Justice (DOJ) ang grupo ng Myanmar natives para humingi ng hustisya sa mga krimen na kanilang sinapit mula sa mga kamay ng Military Junta doon.
Limang Chin State natives ang naghain ng war crimes complaints laban sa Tatmadaw o ang military junta sa Myanmar.
Ayon sa mga Pilipinong abogado ng complainant, makasaysayan ang isinampa nilang reklamo dahil ito ang unang pagkakataon na may ganitong klase ng kaso ang inihain sa bansa.
Anila, may hurisdiksyon at may obligasyon ang Pilipinas para dinggin ang mga nasabing krimen na nangyari sa Myanmar bilang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at alinsunod sa Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity Act of 2010.
“So that law allows international jurisdiction. It means if a crime happens abroad and that crime is classified under war crime a genocide crime or crimes against humanity then the Philippines has the duty to prosecute once this crime has been brought to its attention” ani Legal Counsel Atty. Romel Bagares.
Ang reklamo ay nag-ugat sa mga krimen ng Military Junta noong 2021 sa mga kamag-anak ng mga complainant na parte ng Christian minority group sa Myanmar.
Dagdag pa ni Atty. Bagares “yung nangyayari po dito ay binobomba, sinusunog ‘yung mga bahay, pinagbabaril, ano, tino-torture ‘yung mga sibilyan. ‘Yun po ay paglabag sa alituntunin ng humanitarian law.”
Bukod sa kalapit na bansa at kasama sa ASEAN ng Pilipinas ang Myanmar, tiwala ang mga complainant sa sistema ng hustisya sa Pilpinas at dito nila makukuha ang katarungan.
Sabi naman ni Legal Counsel Atty. Gilbert Andres “wala na po silang option. In fact nakatira sila sa labas ng Myanmar. Alam nyo po dahil tinupok ang kanilang town po ng Tadmataw ang Myanmar Military kaya dahil po sa war crimes na ginawa ng Myanmar Military ay hindi na sila bumabalik doon, nasa labas po sila at wala naring opportunity po na makapagfile dahil de peligro na ang kanilang buhay.”
Umaasa naman ang mga complainant na mabigyan ng atensyon ng DOJ ng Pilipinas ang kanilang reklamo.
Hinaing ng Chin Human Rights Organization Deputy Executive Director na si Salai Ling “ our suffering has not been much paid attention to by the rest of the international community. With this case we are hoping that some light shone on the plight of our people and that Philippine Government would consider our plea of justice here”.
Moira Encina