Wastong pagtatapon ng basura, ipinanawagan sa Quezon city
Nanawagan si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga residente ng lungsod na isagawa ang wastong pagtatapon ng basura.
Ito’y kasunod ng mga ulat na patuloy na nakakakolekta ng mga basura ang City Government sa mga daluyan ng tubig.
Batay sa ulat ng Task Force on Solid Waste Management (TFSWM) ng lungsod mula Enero hanggang Abril 2021, nasa 810,000 kilo ng basura ang kanilang nakukuha mula sa 20 creek sa lungsod.
Binigyang-diin ni Belmonte na ang wastong pagtatapon ng basura ang isa sa mabisang paraan upang mapigilan ang pagbaha o pagbara sa mga waterways tuwing panahon ng tag-ulan.
Mayor Belmonte:
“Simula pa lang ay sinisigurado na ng lungsod at ng mga barangay na nase-segregate nang maayos ang ating mga basura. Magtulungan po tayo para mas maayos nating ma-implement ang tamang waste management,”
Ang TFSWM at ang City Engineering Department ay regular na nagsasagawa ng paglilinis at dredging activity para sa declogging ng mga ilog at creek sa lungsod.
Maliban sa waste collection at clean-up drives, inilunsad din ng TFSWM ang house-to-house recyclables trading sa mga komunidad sa pakikipagtulungan ng mga junskhop.
Ito ay bahagi ng mga aktibidad ng Task Force para sa Earth Day 2021.