Watawat ng Pilipinas, naiwagayway sa Marawi City – AFP
Natuloy ang pagdiriwang ng Independence Day sa Marawi City, sa kabila ng patuloy na bakbakan ng tropa ng gobyerno at Maute terror group.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, iwinagayway ang watawat ng Pilipinas sa kapitolyo ng Marawi bilang paggunita sa ika-119 araw ng kalayaan.
Sinabi pa ni Padilla na ang pagdiriwang ng araw ng kalayaan ay isang importanteng bagay na dapat hindi kinakalimutan.
Kaugnay nito, hindi pa rin aniya matiyak ng AFP kung tuluyan nang mababawi ng tropa ng pamahalaan ang Marawi City mula sa mga terorista sa pagdiriwang ng araw ng kasarinlan, subalit tiniyak ni Padilla sa publiko na ginagawa ng militar ang lahat para mailigtas na ang Marawi sa mga terorista.
Noong nakaraang Biyernes, napatay ang labintatlong miyembro ng Philippine Marines, habang mahigit Limampu ang nasugatan sa pakikipagbakbakan sa Maute group.
Sinabi ni Padilla na simula nang sumiklab ang kaguluhan sa Marawi noong May 23, umabot na sa 140 Maute members ang napatay, habang 58 sa mga sundalo at 21 sa mga sibilyan.