West cove resort sa Boracay Island, ipinasara na
Ipinasara na ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang kontrobersyal na Boracay west cove resort.
Ito’y dahil sa patuloy na operasyon nito sa kabila ng kawalan ng mga kaukulang permits gaya ng business permit.
Isinilbi ng mga opisyal at tauhan ng munisipyo ang closure order sa nasabing resort na matatagpuan sa Barangay Balabag.
Nabisita na rin ito ni Environment Secretary Roy Cimatu na ipinag-utos naman ang pagpapagiba sa mga iligal na istruktura ng nasabing resort gaya ng mga itinayo nila sa tuktok ng rock formations.
Kinansela na rin ng Department of Environment and Natural Resources o DENR ang 25-taong Forest land use agreement for Tourism purposes na inilabas para sa nasabing resort na sumasakop sa 998 square meters.
Samanta, binuweltahan naman ng West cove resort owner na si Crisostomo Aquino si Executive Assistant to the Mayor ng LGU-Malay na si Rowen Aguirre na isa rin umanong violator.
Ayon kay Aquino, pagmamay-ari ni Aguirre ang isang mini-grocery na nakatayo sa beachfront na lumalabag din sa 25+5 meters easement.
Nakakapagtaka aniya na hindi pa ipinapasara ang nasabing establsimyento sa kabila ng paglabag nito.
Pinabulaanan naman ito ni Aguirre at sinabing walang paglabag ang pagtatayo niya ng istruktura.
Aniya, wala naman silang natanggap na Notice of Violation ngunit handa umano siyang ipaalis kaagad ang nasabing istruktura sakaling may makitang mga paglabag.
==================