White House, may dalawang panibagong kaso ng COVID-19
WASHINGTON, United States (© Agence France-Presse) – Nagpositibo sa COVID-19 ang dalawa kataong malapit kay US President Donald Trump.
Isa rito ang 69-anyos na kalihim ng Housing and Urban Development na si Ben Carson.
Ayon sa kaniyang deputy chief of staff na si Coalter Baker, sinabi ni Carson na maganda ang kaniyang pakiramdam at masuwerte ito dahil sasailalim siya sa effective therapeutics na makatutulong sa mabilis niyang paggaling.
Batay sa report, si Carson ay sandaling ginamot sa Walter Reid military hospital sa labas ng Washington DC, kung saan din ginamot si Trump ng magpositibo ito sa virus.
Isa pang top aide ng pangulo na si David Bossie, ay nagpositibo rin nitong nakalipas na Linggo, at naka self-isolate na sa kaniyang tahanan.
Noong Biyernes, lumabas sa media reports na ang chief of staff ni Trump na si Mark Meadows ay nagpositibo sa COVID-19 matapos ang halalan. Hindi naman malinaw kung kailan ito nahawaan ng virus.
Ayon sa Washington Post, si Meadows ay nasa kalipunan ng mga taong nasa White House nang magsalita si Trump sa nasa 150 sa kaniyang mga staff at supporters noong Miyerkoles.
Matatandaan na ilang pangunahing miyembro na ng administrasyon ang nahawaan ng virus sa mga nakalipas na linggo, kabilang na si Trump at ang asawa nitong si First Lady Melania Trump.
Ang Estados Unidos ay nakapagtala na ng 238,000 namatay dahil sa coronavirus hanggang kagabi, at higit 10 milyong katao naman ang nahawaan.
Ang pandemya ang isa sa pangunahing mga isyu sa labanan para sa pwesto sa White House, sa pagitan ni Trump at dating vice president Joe Biden, na sa pagtaya ng media ay siyang nanalo sa eleksyon nitong nakalipas na Sabado.
Isinulat ni Liza Flores