White House, tiwala pa rin sa US-French ties sa kabila ng mga pahayag ni Macron sa China
Inihayag ng White House na “tiwala” pa rin ito sa relasyon ng US at France, matapos dumistansiya ni French President Emmanuel Macron sa polisiya ng US tungkol sa Taiwan, at babalaan ang mga taga Europe na huwag maging mga “tagasunod” ng Amerika.
Ang pahayag ni Macron sa mga mamamahayag mula sa French business daily Les Echos at news site na Politico ay ginawa matapos ang kaniyang state visit sa China at pakikipagpulong kay Chinese President Xi Jinping.
Sinabi ni White House National Security Council spokesman John Kirby, “The Biden administration remains comfortable and confident in the terrific bilateral relationship we have with France.”
Tinukoy ni Kirby ang personal na relasyon ni President Joe Biden kay Macron at sinabing ang dalawang bansa ay “magkatuwang sa maraming magkakaibang isyu,” kabilang ang naval operations sa Asia-Pacific.
Ayon kay Kirby, “Washington and Paris are partners in ‘a concerted effort by all of us in this vast alliance,’ this network of alliances and partnerships.’
Sa panayam sa kaniya ay sinabi ni Macron, na ang mga bansa sa Europa na kabilang sa pinakamalalapit na ka-alyado ng Estados Unidos ay hindi dapat madamay sa tensiyon sa pagitan ng Beijing at Washington tungkol sa hinaharap ng Taiwan. Ang komunistang China ay nangakong kokontrolin ito, habang ang US government naman ay nangakong tutulungan ang Taiwan na ipangtanggol ang sarili.
Si Macron, na tinalakay ang Taiwan kasama si Xi noong Biyernes, ay nagbabala sa Europe na “masangkot sa krisis na hindi kanila, na pipigil sa pagbuo nito ng strategic autonomy.”
Ayon kay Macron, “The paradox would be that, overcome with panic, we believe we are just America’s followers. The worse thing would be to think that we Europeans must become followers on this topic and take our cue from the US agenda and a Chinese overreaction.”
Iminungkahi ni Macron na ang Europe, na lubhang umaasa sa US military protection simula pa noong World War II, ay maaaring maging isang “third superpower.”
Ang atas ni Macron na idistansya ang US allies sa Europe mula sa maigting na tunggalian sa Taiwan, ay ginawa bago maglunsad ang China ng mga bago at malakihang pagsasanay militar na ang layunin ay alarmahin ang Taiwan.
Ang pagsasanay militar ay tugon ng China sa pagbisita ng pangulo ng Taiwan sa Estados Unidos, na kinabibilangan ng pakikipagpulong kay House of Representatives Speaker Kevin McCarthy.
© Agence France-Presse