Whitewater rafting business sa Cagayan de Oro, hindi pa nakakabawi mula sa pandemya
Isa ang whitewater rafting business sa Cagayan de Oro (CDO) na lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Ang CDO ang tinaguriang whitewater rafting capital ng Pilipinas.
Aminado ang Department of Tourism Region X at ang whitewater rafting business operators sa CDO na hindi pa nakababawi ang negosyo mula sa epekto ng pandemya bagamat nagluwag na sa travel restrictions at COVID-19 health protocols ang bansa.
Ayon kay DOT Region X Regional Director Marie Elaine Unchuan, sa ngayon ay dalawa pa lang ang nag-o-operate na whitewater rafting business sa rehiyon mula sa limang operators bago magkaroon ng pandemya.
Sinabi ni Unchuan na marami sa whitewater rafting sites sa rehiyon ay naapektuhan din nang malubha ng Bagyong Odette at iba pang kalamidad.
Inihayag naman ng isa sa mga whitewater rafting business owner sa CDO na si Engr. Elpidio Paras na bagamat bukas sila ay kakaunti pa rin ang mga turista sa kanilang whitewater rafting resort.
Maaaring nagaalangan pa rin aniyang bumiyahe lalo na ang mga taga- Luzon at mahal pa ang pamasahe sa mga eroplano papuntang Mindanao.
Gayundin ay may environmental issues din aniya sa Cagayan de Oro River.
Pero umaasa si Paras na sa susunod na taon ay bubuti na ang business climate para sa nasabing negosyo.
Sinabi pa ni Regional Director Unchuan na inaasikaso na rin nila ang pagpapatibay sa accreditation ng ibang operators.
Gagawa rin aniya ang DOT Region X ng social media content para tulungan ang whitewater rafting business sa CDO.
Tiniyak pa ng opisyal na nagbigay na sila ng ayuda, posibleng livelihood at skills training program sa mga apektadong guides at rafters habang hindi pa nag-ooperate ang negosyo.
Moira Encina