WHO, gagawin ang lahat para malaman ang origins ng COVID-19
GENEVA, Switzerland (AFP) — Iginiit ng World Health Organization (WHO), na gagawin nila ang lahat upang malaman ang animal origins ng COVID-19, dahil napakahalaga nito para mapigilan ang future outbreaks.
Sinabi ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus na matindi ang hangarin ng UN health agency, na matuklasan ang misteryo ng virus, at hinimok ang mga kritiko na nag-aakusa sa kanila na ipinaubaya nila sa China ang pag-iimbestiga, na itigil na ang pamumulitika sa isyu.
Ayon kay Tedros, malinaw ang posisyon ng WHO, kailangan nilang malaman ang origin ng virus dahil makatutulong itong mapigilan ang future outbreaks.
Ang Estados Unidos na pinakamatinding tinamaan kung saan ang nasawi dahil sa COVID-19 ay mahigit nang 262,000 ay lubhang kritikal sa paghawak ng ahensya sa krisis, at inakusahan ito na mabagal ang ginagawang imbestigasyon kung paano nagsimula ang outbreak.
Maging ang iba pang kritiko ay nagpahayag din ng kanilang pangamba na maaaring pinayagan ng WHO ang China na idikta ang mga tuntunin sa isang international investigation sa pinagmulan ng virus, na unang lumitaw sa syudad ng Wuhan sa huling bahagi ng nakalipas na taon.
Simula noon, ay higit 1.46 milyong katao na ang namatay at halos 63 milyon naman ang nahawaan sa buong mundo.
Ilang buwan nang nagpapadala ang WHO ng isang grupo ng international experts, na kinabibilangan ng epidemiologists at animal health specialists sa China para tumulong na alamin ang animal origin ng novel coronavirus pandemic, at kung paano ito unang nakahawa sa tao.
Noong July ay nagpadala ang organisasyon ng isang advance team sa Beijing, para ilatag ang international probe.
Ngunit namamalaging hindi malinaw kung ang mas malaking grupo ng scientists ay makabibiyahe ba sa China para simulan ang epidemiological studies, upang subukang tukuyin ang mga unang kaso ng pagkahawa sa tao at ang source ng kanilang infection.
Nito lamang nakalipas na linggo, sinabi ni WHO emergencies chief Michael Ryan na umaasa ang ahensya na makapagpapadala ng international team sa Wuhan “as soon as possible”.
Samantala, tinanggihan naman ni Tedros ang kritisismo tungkol sa kakulangan ng transparency sa imbestigasyon at binigyang-diin na ang pangalan ng mga ekspertong kasama sa grupo at ang terms of reference ay naisapubliko.
Una nang pinaniwalaan ng mga scientist, na ang nakamamatay na virus ay lumipat sa tao mula sa mga hayop sa isang pamilihan na nagbebenta ng karne ng exotic animals sa lungsod ng Wuhan, kung saan unang na-detect ang virus noong nakalipas na taon.
Subalit ngayon ay iniisip ng mga eksperto, na ang naturang pamilihan ay maaaring hindi ang pinagmulan ng outbreak, kundi doon lang siya dumami.
Marami ang nag-aakala na ang virus ay orihinal na nagmula sa mga paniki, ngunit ang intermediate animal host na naglipat nito sa pagitan ng mga paniki at ng tao ay hindi pa rin tukoy.
© Agence France-Presse