WHO, hinikayat ang gobyerno na bumuo ng mekanismo para mapataas ang accessibility ng vaccine sa mga Healthcare worker at Senior citizens
Hinikayat ng World Health Organization ang National Task Force Against COVID- 19 at mga lokal na pamahalaan sa bansa na bumuo ng isang mekanismo para mapataas ang accessibility ng pagbabakuna sa mga healthcare worker at senior citizens.
Ayon kay Dr. Rabindra Abeyasinghe, kinatawan ng WHO sa Pilipinas, kailangan pang mas mapabilis ang pagbabakuna sa mga nasa vulnerable population gaya ng mga senior citizen at person with commorbidity lalo na at magkakaroon ngayon ng surge ng COVID 19 cases sa mga rehiyon.
Sa datos ng Department of Health, hanggang nitong June 8, may mahigit 1.4 milyong health worker na ang nabakunahan kontra Covid-19.Sa bilang na ito, mahigit 886 libo ang fully vaccinated na.
Habang nasa mahigit 1.6 milyong senior citizens pa lamang ang nabakunahan na,kung saan mahigit 415 libo rito ang fully vaccinated na.
Aminado ang DOH na sa ngayon ay maliit pa ang porsyento na ito ng mga nababakunahang senior citizens kaya naman mas pinaiigting pa nila ang kanilang mga kampanya sa tulong ng mga mga lokal na pamahalaan.
Sa persons with commorbidities naman ay mahigit 1.5 milyon na ang nabakunahan kung saan mahigit 373 libo na ang fully vaccinated.
Kagabi, dumating na sa bansa ang 2.28 milyong doses ng COVID-19 vaccine ng Pfizer-BioNTech mula sa COVAX Facility.
Pero ang mga bakuna na ito mula sa COVAX ay ituturok sa mga nasa A1 hanggang A3 priority group.
Madz Moratillo